Nakatayo siya sa bandang gitna ng pasilyo at nakatuntóng sa luhuran. Sa balikat niya, gumagabay ang kamay ng kanyang nanay. Palibhasa ang lamig ng simoy ng amíhan at nakadagdag pa ang pínong-píno na ambon nung madaling araw na iyon, pinagsuot siya ng jacket na red, white, and blue.
Nang mag-umpisa na ang unang Misa de Gallo, tumugtog na ang pambungad na awit, at lumakad na nang marahan ang altar servers, nanghaba ang leeg ng batang lalaki sa pagsílip sa nangyayaring seremonya. Pinanonood ng tambay na ito ang bawat galaw ni Junior.
Agad kong napansin ‘yung mag-ina dahil nakapuwésto sila halos sa harap ng munting kapilya namin sa St. Joseph the Worker Chapel sa Plainview, Mandaluyong. Ang kapilya ay bahagi ng parokya ng Archdiocesan Shrine of the Divine Mercy. Bilog na bilog ang mata ni Junior, saka pabaling-baling sa kaliwa’t kanan ang ulo. Ang hula ko, unang beses niyang magsimba nang madaling araw.
Sa harap na hanay ako nakatayo bilang magsisilbi sa misa, kaya tanaw na tanaw ko ang paslít na usisero. Tila gusto niyang masaksihan ang lahat ng nangyayari.
‘Yung matatanda sa paligid ni Junior ay pasimpleng nagtakip na ilong para hindi masinghót ‘yung usok ng insénso. Pero para kay Junior, balewala ito. Ayun, lalo pang nanlaki ang mga mata ng bata kahit sa harap niya dumaan ang altar server na may bitbit ng umaasóng sisidlan ng insenso.
Sa mata ng usisérong bulílit, isang engrándeng ritwál ang kanyang nasasaksihan. Kita sa pagkamanghâ ng nakatingala niyang mga mata, ang aming maliit at payak na kapilya ay mistulàng dambuhalang katedral.
Nung bahagi na ng homiliya, inantok na si Junior at tuluyang nakatulog sa kandungan ng nanay niya.
Pero muling pumasok sa isipan ko si Junior dahil ‘yung homiliya ni Padre ay ‘sakto sa nasaksihan ko.
Ang paksa ni Padre ay ang pagkakaroon ng ugaling mapagpasalamat. ‘Ika niya, madalas nakakalimutan nating magpasalamat sa mga pagpapalang dumarating sa buhay natin. Sa madaling salita, hindi pa nga natin itinuturing na mga biyaya ito. ‘Baga, sa atin wala lang ang mga ito.
Ang halimbawang ikinuwento ni Padre ay ang isang eksenang napanood niya sa Facebook reel. Sa video, sabi ni Padre, binuksan ng bata ang regalong natanggap nito. Ang tumambad sa bata ay isang paper clip. Sa mga tulad nating mga nakatatanda, na nasa edad na mapaghanap, baka mainis pa tayo sa ganoong regalo. Pero sa naturang reel, tuwang tuwa daw ‘yung bata at nag-thank you pa sa nagbigay ng regalo.
Natawa ang karamihan ng gising sa misa (Hehehe, kapag Simbang Gabi tila mas maraming natutulog tuwing sermon na ni Padre). Gayumpamán, naging palaisipan sa akin ang punto ni Father.
Tinanong ko sa aking sarili: Sino kaya ang tama ang reaksiyon: ‘yung bata na natuwa sa paper clip, o akong mas may edad na maaasiwâ kapag ganoon ang regalong tatambád?
Naalala ko nung minsang nasa bangko ako. Habang nag-aabang ng transaction, nakausap ko ang mga teller ng BDO Maysilo sa Mandaluyong. Natanong ko kung ano ang masasabi nila sa opinyon ng gobyerno tungkol sa P500 na Noche Buena. Parang mitsá ‘yung tanong na iyon. Nagtaasan ang mga boses nila at halos sabay-sabay sa pagbulálas ng pagkadismaya. “Ang Noche Buena ay isang feast. Paano magiging feast ‘iyon’yun kung P500 lang ang budget?” “Kulang na kulang ‘yan sa isang pamilya.” Dagdag pa ng isa, “Halos pang-kape lang.”
Napanood ko sa social media ‘yung opinyon ng isang artista na “feast” nga raw ang Noche Buena. Sa katunayan, maraming sumang-áyon sa kakulangan ng P500 na budget pang-Noche Buena.
At totoo namang hindi makatotohanan iyong mapapagkasya ng isang pamilya ng dalawang magulang at tatlo o dalawang anak ang P500 para sa Noche Buena.
Sa tono nung mga nakausap ko, banaag na, kahit paano, meron silang panggastos sa Noche Buena ngayon bisperas ng Pasko. Tila nainsulto sila sa pasáring na maghigpit ng sinturon para makatipid.
Nauunawaan ng tambay na ito ang sentimyento nila. Iyan din ang una kong reaksiyon. Kung kakayahin at kakayahin, handang gumastos ang mga pamilyang Pinoy.
Pero tumingin ka lang sa iyong paligid, meron pang isang katotohanan na makikita. Mayroong mga pamilyang hindi talaga kakayahin ang mag-Noche Buena dahil walang pambili. At mayroón din mga taong walang pamilyang makakasama ngayong Pasko. Para sa kanila, walang Noche Buena. Sa halip, itutulog na lang nila ang bisperas ng itinuturing nating mga Kristiyano na araw ng pagsilang ng Tagapagligtas.
Noong unang Pasko nga, di ba sa isang payák na sabsában lang isinilang ang Prinsipe ng Kapayapaan? Walang “feast.” At ano ba ang sabsában? Ayon sa kwfdiksiyonaryo.ph, ang sabsában ay “kahong pahabâ na karaniwang yarì sa kahoy o kawáyan na nilalagyan ng dayami at iba pang tuyong pagkain ng alagang hayop.”
Bagamán nakaugalian na ang masarap na kainan, meron pang ibang mga bagay na mas mahalaga sa bisperas ng Pasko. Hindi ko naman sa sinasang-ayúnan ang pahayag ng gobyerno, pero hindi ko rin naman tanggap na kung walang “feast,” walang Pasko.
Nakangiti ako nung sinabi ko sa ladies ng BDO: “Ok lang ‘yung gipit na budget sa noche buena, ang mahalaga sama-sama kayo ng pamilya ’nyo sa gabing iyon. Basta kasama mo ang mga mahal mo, di ba sapat na ‘yun?” Tingin ko, akala nila nagbibiro ang tambay na ito.
Tulog pa rin ‘yung paslit na usisero nung natapos ang Simbang Gabi. Hindi ko na siya napasalamatan. Salamat, ího, sa pagdalo mo sa misa. Dahil sa iyo, namulat ako. Dahil kay Junior, napagtantô ko na ang dami palang biyayang dapat maipagpasalamat ngayong Pasko. – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.

