Ayon sa isang Pulse Asia survey, itinuturing ng mayorya ng mga Pilipino na pinakamaaasahang institusyon sa pagtugon sa flood control corruption ang media.
Kabaligtaran ito ng mga survey sa dulo ng termino ni Rodrigo Duterte apat na taon lang ang nakalipas, na nagsabing napakababa ng tiwala sa media. Malinaw na nagkaroon ng mindshift.
Ano’ng nangyari noong 2016 hanggang 2022 maliban sa rurok ito ng kapangyarihan ni Duterte? Ito ang kasagsagan ng disinformation laban sa mga mamamahayag kung saan binansagan ang media na “presstitutes” at “biased.”
Sa kabila ng “firehose of falsehoods” na yumuyurak sa pagkatao at pagkababae ng journalists, ang media rin ang naunang siyentipikong nakapagsuri at nakapagsabing weaponized ang internet at nagaganap ang isang hearts and minds war. (BASAHIN. Part 1: Propaganda war: Weaponizing the internet Part 2: How Facebook algorithms impact democracy Part 3: Fake accounts, manufactured reality on social media)
Fast forward sa 2025, at lumutang din ang katotohan. The truth will out, ika nga. Nahawi na ang ilan (hindi lahat) ng kasinungalingan sa lente ng publiko. At sa harap ng garapal na flood control corruption, muling sumasandal ang bayan hindi lang sa mga tagapagbalita, kundi pati sa mga tagapagsuri.
Saan ba galing ang tiwalang ‘yan? Galing ‘yan sa matapang at facts-based na pagtalakay ng mga masalimuot na mga kuwento tungkol sa korupsiyon, disinformation, galawang pulitika, at disaster.
Tandaan din nating ang tiwalang ito’y nakamit sa gitna ng kasikatan ng influencers — ang bagong darling ng apocalyptic disinformation landscape.
Pero ang mga mamamahayag ang may kakayahang maghalukay at magpalalim sa mga isyu.
Sila ang matapang na nag-iimbestiga without fear or favor.
Sila ang naninindigan sa harap ng lawsuits at harassment.
Sila ang nagpa-follow up ng tips at leads na ipinapadala ng mga mambabasa at manonood.
Ang mga mamamahayag ang may tapang at training, at walang interes na partisan o pulitikal.
Sabi ng Investigative Head ng Rappler na si Chay Hofileña na sumulat ng maraming akda tungkol sa media corruption, “In its purest, unadulterated form, media doing its mandated job in the interest of the public is public service.”
Pero paalala — hindi dapat matapos sa pagsisiwalat ng mga journalist ang lahat ng ito. Dapat itong magtapos sa pag-o-overhaul ng sistema ng paglalaan at paggastos ng salapi ng bayan, sa pagkukulong ng mga tiwali, at pagbabago ng patronage system. Dapat itong mauwi sa pagkilos ng mamamayan.
Sabi naman ng Nobel Peace Prize laureate na si Maria Ressa: “Character is built on the small decisions we make.”
Kaya’t simulan sa maliit: sumulat sa congressman o senador at ipahiwatig ang pagkadismaya at magdemanda ng aksiyon. Mag-organisa ng mga diskusyon sa paaralan o pamayanan.
Dagdag pa ni Ressa: “2026 will demand great — even greater — character. Or we lose it all.” – Rappler.com


