Madalas ganito ang nangyayari sa 'the best and the brightest' Filipino youth. Nagsisikap sila, nagtatagumpay sa pag-aaral. Pero, pagkatapos, ni hindi natin mabigyanMadalas ganito ang nangyayari sa 'the best and the brightest' Filipino youth. Nagsisikap sila, nagtatagumpay sa pag-aaral. Pero, pagkatapos, ni hindi natin mabigyan

[TAMBAY] Si ‘gasolina boy’ ng Zamboanga

2026/03/15 10:00
5 min read
For feedback or concerns regarding this content, please contact us at [email protected]

Malamang, sa mga babad sa social media at sinusundan ang nakalululàng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bawat araw, pamilyar ka kay Alkindal J. Amil. 

Siya ‘yung gasoline attendant na nag-viral ang interview sa isang Facebook post ng RMN Zamboanga. Pinagsailta si Amil sa newsclip tungkol sa malá-kuwitis na paglipad ng halaga ng gasolina, diesel, at iba pang produktong petrolyo. Sa tinatawag na situationer interview, tinanong ang gasoline boy: “Bakit mahal na naman ang gasolina?”

Napanood ng tambay na ito sa isang chat group ang pagsagot ni Amil. Doon sa clip sa GC, ang intro comment ay: “Yown, mas magaling pa ang gasolina boy magpaliwanag kaysa kay Ante.” Pero, teka, bago ituloy ng tambay ang pagkukuwénto, hihingi na muna ako ng paumanhín kay Amil at sa publiko. Inaamin kong kaya ko na-click ‘yung clip dahil ang buong akala ko ay katatawanan ang mapapanood ko. Sorry na po.

Sa halip, napamangha ako sa pagpapaliwanag ni “gasolina boy.” Nabasag ang aking “expectations.” At ang daglîng reaksiyón ko sa GC namin: “Ang klaro ng paliwanag at kalmado. Hindi minamaliit ang audience. P’wedeng energy usec ito.”

Nag-viral si Amil at halos nagkasundo ang lahat na “the real deal” siya at hindi isang pabíbo o kaya’y pasikat lamang. Mayroon ding mga nagduda at inakalang gawa ng “aritificial intelligence” ‘yung nagsasalitang “gasolina boy.” Pero, hindi po, real human intelligence po iyon.

Kinabukasan, may nabasa akong isang Amil reveal post. Ito ay ‘yung public FB post ng isang Atty. Alman-Najar Namla. Ang sabi ni Namla, si “gasolina boy” ay consistent honor student mula pa nung elementarya. Nagtapos si Amil ng kolehiyo na isang cum laude noong 2016 sa Mindanao State University, Sulu.

Khinz ang palayaw ni Amil, at supervisor pala siya nung gasolinahan. Ngunit, dagdag ni Atty. Alman-Najar: “Khinz himself proudly owns the title of pump attendant, gasoline boy on his profile. Those are his words, not ours. We use them out of respect for how he chooses to identify his work, not to diminish him.”

Nung malaman ng mga nakahuntahan ko sa GC ang mga dagdag na detalye tungkol kay Khinz, halos pare-pareho ang pumasok sa isipan namin. Ika nga nung isa: “Cum laude. From MSU Sulu. Na gas pump attendant. Pilipinas, maling-mali ang sitwasyon na ‘to!” Sinundan agad ng isa: “Tapos si Robin Padilla Senador???!?”

Sang-áyon ang tambay na ito sa mga opinyóng ito. Nasabi ko sa GC: “Maling-mali talaga [ang ganitong sitwasyon].” Kasi naman, bakit nga ba nagkaganoon? At madalas ganito ang nangyayari sa “the best and the brightest” Filipino youth. Pinag-aaral natin sa mga state university ang magagaling na mga kabataang Filipino. Nagsisikap sila, nagtatagumpay sa pag-aaral. Pero, pagkatapos, ni hindi natin mabigyan ng matinong hanapbuhay. Maaari silang magkaroon ng trabaho sa gobyerno, pero hindi ito ang nangyayari. Sino ang napupunta sa gobyerno? Sino ang ibinoboto? ‘Yung sikat, ‘yung “tama” ang apelyido.

Mga botante tayo pare-pareho at “da surv” natin ang matino at matapat na serbisyo ng gobyerno. 

Sayang. Ang dami nating sinasayang na magagaling na Filipino. 

Bilang isang nagmamarunong, natutumbok ng tambay na ito ang isa sa malalaking problema ay iyang mga political dynasty. Kasi nga, ang ganda ng credentials mo sa pag-aaral. Nagkaroon ka man ng karanasan sa pagsisilbi. Maaasahan at masipag ka. At, higit sa lahat, hindi ka korap, hindi ka magnanakaw. Kaso, iba ang iyong apelyido. Hindi ka kamag-anak ng naghaharing pamilya. Wala kang pag-asa. 

Tawag diyan sa Inglés ay “lost opportunity.” Paliwanag ng Gemini, AI tool ng Google, ang lost opportunity ay “the gap between what is and what could have been if a specific action had been taken.” Sa Pilipinas paulit-ulit ang ganitong sitwasyon, parang pálagían nating inuumpóg ang sarili natin sa pader. Iyan ang bukol na dulot ng pangungunsinti natin sa political dynasties.

Sa pananaw ni Winston Casio, na may mahabang karanasan sa pagiging edukador bukod sa pagiging dating director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, ang kalagayan ni Khinz ay “one of many showing the lack of job opportunities even for those who are above average college graduates. The absence of sufficient jobs for our college graduates shows that our leaders need to push for industrialization through localized manufacturing. If the government continues to push for labor exportation and business process outsource types of jobs then might as well close a significant number of  colleges and universities because the market will not be able to absorb their graduates into the job market.”

‘Nga pala, ayon sa huling nasagap ko, inaalok si Khinz ng trabaho ng Civil Aeronautics Board bilang “transportation regulation officer.” Isang taong kontrata raw, at may posibilidad na maging regular position. Naninimbang pa raw si Khinz, pero, sabi ng CAB, nakareserba na ang trabahong iyan sa kanya sakaling magpasya siyang kunin ito.

PAHAPYAW: Madami pang naganap noong nakaraang linggo na hindi na maikukuwento nang mahabaan ng tambay. Tulad ng unang anibersaryo ng pagkakapiit ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa utos ng International Criminal Court sa The Hague. Ang pag-aresto ay pinamunuan ng noo’y pulis pang si Nicolas Torre. Birthday din pala ni Torre nung araw na iyon.

‘Yung debate nina Senator Ping Lacson at Rodante Marcoleta. Dalawang bagay sana ang masarap pag-piyestahan. May ipinakitang video si Lacson, kung saan sa sariling programa ni Marcoleta ay sinabi nitong tumanggap siya ng ng milyones na pera sa mga kaibigan niya nung nasa Kongreso pa siya. Donasyon daw iyon, sabi ni Marcoleta sa online program niya. Tinanong din ni Lacson si Marcoleta: sa usaping West Philippine Sea, ano ba ang paninindigan niya?

Sayang, nawalan na rin tayo ng espasyong pag-usapang ang cuteness ni Punch the macaque. Baka next time na lang. – Rappler.com

Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.

Disclaimer: The articles reposted on this site are sourced from public platforms and are provided for informational purposes only. They do not necessarily reflect the views of MEXC. All rights remain with the original authors. If you believe any content infringes on third-party rights, please contact [email protected] for removal. MEXC makes no guarantees regarding the accuracy, completeness, or timeliness of the content and is not responsible for any actions taken based on the information provided. The content does not constitute financial, legal, or other professional advice, nor should it be considered a recommendation or endorsement by MEXC.